Pangalan ni Agriculture Sec. Manny Piñol sa isyu ng kayamanan, nilinis

Metro Manila

NILINIS ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC na nasa ilalim ng Office of the President ang pangalan ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa sinasabing hindi maipaliwanag na yaman nito.

Sa inilabas na pahayag ni PACC Chairman Dante Jimenez, sinabi nito na batay sa pitong buwang lifestyle check na isinagawa nila laban kay Piñol, wala silang nakitang anumang dahilan na magdidiin dito sa nasabing paratang.

Ayon kay Jimenez, kusang loob na nagpasa ilalim si Piñol sa lifestyle check at imbestigasyon ng PACC kasunod ng mga alegasyon na nakikinabang siya sa mga transaksyon sa DA.

Kusa rin umanong binuksan ni Piñol ang kaniyang bank accounts at financial documents para mabusisi ng PACC katuwang ang Anti Money Laundering Council, NBI, LTO, Land Registration Authority, PNP, Civil Security Group, Firearms and Explosives Office ng PNP at iba ang kaukulang ahensiya ng gobyerno.

Ang pagkukusang ito aniya ni Piñol na maimbestigahan ng PACC ay nagbukas din sa iba pang opisyal ng Administrasyong Duterte na sumunod sa kaniyang yapak at kusa na ring nagpapasa ilalim ngayon sa lifestyle check.

Ayon kay Jimenez, isusumite nila kay Pangulong Duterte ang resolusyon na naglilinis sa pangalan ni Piñol sa anumang  paratang at pananagutan.

Kasama aniya nilang isusumite ang lahat ng kopya ng mga dokumento na nakalap nila sa isinagawang imbestigasyon.

DZAR1026

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *