Senador Antonio Trillanes

 Senador Antonio Trillanes, umapela sa DOJ na huwag magpagamit sa pulitika

Metro Manila

BINATIKOS ni Senator Antonio Trillanes IV ang paghahain ng Sedition Charges laban sa kanya at sa ilang miyembro ng oposisyon kabilang na si Vice President Leni Robredo ng Philippine National Police-Criminal investIgation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa isang pahayag, sinabi ni Trillanes na malinaw na political persecution at panggigipit sa oposisyon ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila kaugnay sa kontrobersyal na bikoy videos.

Inakusahan ni Trillanes ang PNP-CIDG ng pag-abuso at maling paggamit sa Subpoena Power.

Katwiran ng senador na alam ng PNP-CIDG na wala silang hawak na ebidensya kundi ang salaysay ng isang testigo na ilang ulit nang nagsinungaling sa publiko, pero tinuloy pa rin ang paghain ng kaso.

Kaugnay nito, umapela si Trillanes sa mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) na mag-iimbestiga sa kanilang kaso na mag-isip nang malalim at huwag magpagamit sa pulitika sa halip gawin ang nararapat para lumabas ang katotohanan.

Tiniyak naman ni Sen. Trillanes na handa siyang harapin anuman ang kahihinatnan ng kaso laban sa kanya at gagamitin aniya itong pagkakataon na mailabas ang kaugnayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.

Kahapon nang isinampa ng PNP-CIDG ang patong-patong na kaso kasama ang umano’y nasa likod ng bikoy videos na si Peter Joemel Advincula bilang respondents at witness.

DZAR1026

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *