IMINUNGKAHI ni Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel na ipagpaliba ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na gaganapin sa Mayo 11, 2020.
Sa house bill 905 ni Pimentel, nais niya na ilipat sa October 11, 2021 ang eleksyon para bigyan umano ng pagkakataon ang Commission on Elections (COMELEC) na makapaghanda.
Paliwanag ni Pimentel, kailangan ng COMELEC ng sapat na panahon lalo pa at katatapos lamang ng midterm elections noong Mayo 13 at hindi muna magagastos ang P3 bilyong pondo para rito.
Nais din ni Pimentel na maseguro ng COMELEC na mabigyan ng oras ang mga kabataang Pilipino na magparehistro bilang first time voters.
Nakasaad din sa panukala na mananatili sa puwesto ang nasa 670,000 Barangay at SK Officials hanggang mahalal ang mga papalit sa kanila.
Habang sa isang hiwalay na panukala naman na inihain ni Isabela Rep. Faustino Dy ay nais nitong i-postpone at ilipat ang schedule ng halalan sa may 2023 para mapalawig ang termino ng mga opisyal sa limang taon.