Sen. Tito Sotto, kumpyansang mananatili bilang Senate president

National News

KUMPYANSA si Senador Vicente Tito Sotto III na mananatili siya bilang Senate president sa pagbubukas ng unang regular session ng 18th Congress ngayong Lunes ng umaga.

Sa isang panayam sa radyo sinabi ni Sotto kahapon na walang magiging fireworks o pasabog ang mga senador sa gagawing botohan para sa Senate leadership ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte.

Sa isang fellowship dinner ng mga senador Sabado ng gabi, sinabi ni Sotto na hindi napag-usapan ng kanyang mga kapwa mambabatas ang posibleng hakbang ng pagpapalit ng liderato ngayong araw ng Lunes.

Sa halip, nagkaroon lamang aniya sila ng briefing kaugnay sa pagsasagawa ng Plenary sessions, at sa pagbubukas ng regular session.

Ang pahayag ni Sotto ay kinumpirma naman ni Senador Aquilino Koko Pimentel III.

Sinabi ni Pimentel na buo ang suporta ng kanyang partidong PDP-Laban sa liderato ni Sotto. Kabilang na aniya dito si Senador Manny Paquiao.

Malabo din aniya na magkaroon ng kudeta tulad nang nangyari sa Kamara sa nakaraang taon kung saan pinatalsik ni Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo ang nakaupong House speaker na si Pantaleon Alvarez.

Ulat ni: Trory Gomez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *