SONA

SONA ni Pangulong Duterte, pinakaimportanteng SONA sa kanyang administrasyon

National News

MAITUTURING na pinakaimportante sa lahat ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ulat sa bayan ngayong araw.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar kungsaan tututok aniya sa hinaharap ng bansa ang ulat ng pangulo.

Ayon kay Andanar, kabilang sa magiging legasiya ng administrasyon ang poverty alleviation, infrastructure, at peace and order.

Pero, para sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) kung ito ang magiging hinaharap ng bansa ay maituturing ito na misirable at madilim sa hinaharap ng mga magsasaka.

Sinabi ni Antonio “Ka Tonying” Flores, chairperson ng UMA, kalunos-lunos ang katayuan ngayon ng mga magsasaka dahil sa kawalan ng reporma sa agraryo at mababang pasahod, kawalan ng seguridad sa trabaho at benipisyo.

“Ang kasalukuyang katayuan ng mga manggagawa sa agrikultura ay kalunos-lunos na—walang tunay na repormang agraryo, mababang pasahod, kawalan ng seguridad sa trabaho at benepisyo. Ano pa ba ang pwede naming asahan sa Presidenteng nangayuyupapa sa mga dayuhang gobyerno at korporasyon?” pahayag ni Ka Tonying.

Kung legasiya naman ang pag-uusapan, para sa UMA ang pamana ng administrasyon sa tatlong taon ay pagpatay sa higit 214 na magsasaka at manggagawang agricultural, mas lumalang pamumuhay ng milyong-milyong magsasaka bunsod ng ipinasang TRAIN Law at Rice Liberalization Act, hindi pagtupad sa ipinangakong tunay na reporma sa lupa, pagwawakas sa kontraktwalisasyon at pagkakaroon ng Independent Foreign Policy.

“Legacy ng Presidente sa loob ng tatlong taon ba kamo? Para sa amin, ang legacy niya ay ang pagpatay sa higit 214 na magsasaka at manggagawang agrikultural, karamihan ay sa Negros at Bicol na ipinailalmin niya sa “state of lawlessness” sa bisa ng MO32; milyon-milyong magsasaka at manggagawang agrikultural na tumindi ang paghihirap at pagkabaon sa utang dahil sa TRAIN law at Rice Liberalization Act; at pagbali sa mga pangako na pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, pagwawakas sa kontraktwalisasyon at pagkakaroon ng independent foreign policy,” ayon pa kay Ka Tonying.

Nakatakda namang lumahok ang grupo na United People’s SONA na binubuo ng iba’t ibang sektor mula sa mga manggagawa, indigenous peoples, women and youth, urban poor at maraming iba pa.

 

DZAR1026

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *