Philippine Navy ON Chinese warships

Chinese warships na walang diplomatic clearance, isang security threat -AFP

National News

ITINUTURING ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang banta sa seguridad ng Pilipinas ang ginawang pagdaan ng Chinese warships sa bansa ng walang diplomatic clearance.

Ayon kay AFP spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, dahil ginawa ito ng walang paalam ay wala ngayong anumang impormasyon ang Pilipinas sa kung ano ang pakay at ginawa ng Chinese warships sa bansa.

Hindi rin umano naniniwala ang opisyal na “innocent passage” lamang ang naturang insidente dahil hindi anya maikli ang tinahak na ruta ng mga barko.

Dagdag pa ni Arevalo, agad ding umano tumungo sa direksyon palabas ng bansa ang mga barko nang mamataan ang air assets ng Philippine navy na layon bantayan ang mga ito.

Pinatay din ng mga Chinese warships ang kanilang automatic identification systems at tumangging sumagot sa radio calls ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na isang protocol sa lahat ng nalalayag na barko.

Kaya naman ayon kay Arevalo, dapat lamang na ikonsiderang “security threat” ang pagpasok ng limang barkong pandigma ng China na namataan sa Sibutu Strait, Tawi Wawi noong Hulyo 2 at nito lamang Agosto.

Samantala, ipinanawagan din ng AFP ang pagkakaroon ng pangil sa batas laban sa terorismo.

Ayon kay AFP Spokesperson Marine Brigadier General Edgard Arevalo, maigting nilang sinusuportahan ang panukalang amyendahan na ang Human Security Act of 2007.

Nais din ng militar na gawing 30 araw mula tatlong araw ang pagdetine sa terror suspect.

Sinabi ni Arevalo na lubhang maikli ang tatlong araw para makakuha sila ng kinakailangang impormasyon.

Matatandaang nito lamang Martes, muling binuksan sa Senado ang deliberasyon para sa panukalang amyendahan ang Human Security Act of 2007.

DZAR1026

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *