pork-based products

Mga locally processed pork-based products, ligtas sa ASF ayon sa PAMPI

National News

NILINAW ng Philippine Association of Meat Processsors Inc. o PAMPI na ligtas kainin ang mga locally processed pork-based products sa bansa sa kabila ng paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa Pilipinas.

Ayon kay PAMPI Spokesperson Rex Agarrado, umaangkat lamang ng raw pork materials ang kanilang hanay sa mga bansang walang ASF kaya natitiyak nila na hindi carrier ng virus ang kanilang mga produkto.

Kinontra din nito ang total ban na ipinataw ng ilang local government units gaya ng Cebu at Bohol sa pagbebenta at pagtanggap ng mga processed pork- based products sa paniniwalang carrier ang mga ito ng virus.

Nilinaw ni Agarrado na niluto sa mataas na temperatura ang processed meat o processed pork-based products  sa 70 °C hanggang 116 °C sa tagal na 40 hanggang 60 minuto kaya walang anumang virus ang kakapit dito.

Mas mataas ang cooking temperature ng PAMPI kung ikukumpara sa datos ng World Organization for Animal Health kung saan tinukoy ang killing temperature sa ASF virus sa 56 hanggang 70 °C o katumbas ng 60 degree centigrade sa tagal na dalawampung minuto kaya ligtas ang mga produkto ng PAMPI.

Panawagan sa pamahalaan:

Samantala, nananawagan naman ang PAMPI sa Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Local and Interior and Local Government (DILG) lalo na sa Department of Health (DOH) na gumawa ng katusan upang ilagay ang “processed meat products” sa guidelines para sa distribusyon ng mga processed pork products sa bansa.

Sa kasalukuyan kasi, hindi kasama ang lahat ng mga “processed pork-based” products sa guidelines na ipinalabas ng pamahalaan kaya sakop ng ban ang ang mga produkto ng PAMPI.

Sakop ngayon ng DOH sa ilalim ng Food and Drugs Administration (FDA) ang regulasyon sa processed meat products, taliwas sa National Meat Inspection Services (NMIS) certificate mula sa Bureau of Animal Industry na kailangan bilang patunay na ligtas kainin ang isang pork product.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10611 o ang “Food Safety Act” of 2013, inilipat sa FDA ang registration, application at regulation ng mga pre-packed food products kaya ng processed meat mula sa hurisdiksyon ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Dahil dito, umaasa ang PAMPI na magkakaroon ng aksyon ang pamahalaan sa kanilang panawagan dahil nakasalalay dito ang kapalaran ng mga local meat processing industry.

Suportado naman ng hanay si Pangulong Rodrigo Duterte, bilang pinuno ng National ASF Task Force (NATF) sa pagsugpo sa outbreak kasabay ng panawagan ng balanseng pagpatutupad ng mga hakbang lalo upang hindi maapektuhan ang ibang stakeholders.

Sa ngayon, nasa P300-B ang meat processing industry sa Pilipinas na may 150,000 workforce na malalagay sa alanganin kapag hindi maagapan sa lalong madaling paahon ang paglaganap ng ASF.

 

MJ MONDEJAR

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *